Sa dinami dami ng mga salitang Pilipino, halos kaunti na lamang rito ang kilala at madalas gamitin sa pang araw-araw na pakikipagtalastasan.
Dahil sa marami ng banyaga ang nakaimpluwensiya sa atin ay unti-unti ng nagbabago at naaapektuhan ang ating kultura, literatura, at salita. Isa na dito ang Ingles na siyang lumalaganap sa ating bansa sa kasalukuyan. At habang lumilipas ang panahon ay may mga nabubuong bagong salita na kadasalang binubo ng isang grupo na nagsisilbing koda nila sa pagkikipag-usap.
Paano kung muli nating balikan ang ilan sa mga salitang Pilipino na hindi natin madalas nagagamit? Narito ang sampung salita na malimit na nagagamit o binibigkas ng sambayanang Pilipino.
1. Nagahis – natalo
Halimbawa sa pangungusap:
Nagahis si Thor sa paligsahan ng pagkanta sapagkat hindi siya nakapag ensayo ng mabuti dahil sa kataraman.
2. Nag-apuhap – naghanap
Halimbawa sa pangungusap:
Nawalan ng kuryente ang buong bayan ng Cagayan dala ng lakas ng bagyong Lawin kaya nag-apuhap si Adelaida ng generator sa siyudad.
3. Pook- sapot – website
Halimbawa sa pangungusap:
Nais pumasyal ni Raffy sa America kaya naman binisita niya ang isang pook-sapot na naglalaman ng mga sikat at magagandang lugar sa nasabing bansa.
4. Salipawpaw – eroplano
Halimbawa sa pangungusap:
Sumaya ang bata ng nakita niya ang kanyang ina na bumaba sa sinasakyang salipawpaw.
5. Kalupi – pitaka
Halimbawa sa pangungusap:
Nilibot niya ang buong park upang hanapin ang nawawala niyang kalupi ngunit bigo siyang matagpuan ito.
6. Lapya – plano
Halimbawa sa pangungusap:
Ipinaliwanag ni Pia sa guro ang lapya ng kanilang grupo sa gagawing proyekto.
7. Nawawaglit – nawawala
Halimbawa sa pangungusap:
Sa kanilang pangingibang lugar ay tuluyan na rin nilang nawawaglit ang paggamit ng wikang Filipino.
8. Panuos – kompyuter
Halimbawa sa pangungusap:
Pinilit ni Diego ang kanyang ina na bumili ng bagong panuos upang may magamit ito sa paglalaro pati na rin sa pananaliksik sa mga takdang aralin.
9. Talaksan – papeles
Halimbawa sa pangungusap:
Inasikaso ni Maddie ang mga kakailanganing talaksan sa paglipat niya ng ibang eskwelahan.
10. Saluyan – konduktor
Halimbawa sa pangungusap:
Matiyagang inihanap ng saluyan ng jeep ang naiwang bag na naglalaman ng iba’t ibang dokumento sa campus ng isang unibersidad.